Tuesday, August 21, 2012

A Special Day to Remember 

It’s been two years since but I will always remember the day like it was yesterday. There she was in flesh and blood.. so human, so close and yet.. so unreal I could swear it was a dream. 
Sweet memory.. it never fails, the heart opens with a smile.. 

a fondest wish.. a fervent prayer..

August 21 - My NA (Nora Aunor) Day

August 21.. NA (Ninoy Aquino) Day.. makasaysayan at ginugunita ng sambayanan. Ito ang malungkot na araw ng pagpaslang sa magiting na Senador Benigno Aquino Jr. sa airport na ngayon ay ipinangalan na sa kanya. Mula't sapul ang kaganapan na yan ang aking nari-recall kapag sumasapit ang araw na ito. Hanggang dumating ang nakaraang dalawang taon, may isang pangyayari na dumagdag at nagpabago sa aking alalaa ng dakilang araw.

August 21, 2010.. ang kaganapan ng matagal ko ng pinangarap, ang makaharap ang nag-iisang Nora Aunor. At parang sinadya, sa airport din ito naganap. Gabi pa lang ay hindi na ako mapakali. Pupunta nga ba ako sa airport o hindi? Manonood naman ako ng show nya at makikita ko rin naman sya. Doon na lang kaya? Hindi ko mawari kung ano ang gagawin ko kung makaharap sya ng malapitan. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman. Halo-halong excitement, saya, lungkot, nerbyos at takot. Sa huli, naisip ko na kung hindi ngayon eh kailan pa? Ngayon pa ba ako mag-iinarte? Malamang na hindi na mauulit ang pagkakataong ito. Dahil yata sa kakaisip kaya na-late ako ng gising kinabukasan. 7:45 ng umaga ang dating nila, 7:45 ng umaga din ako nagising! Ano ba yan? Si Lord na yata ang nagsasabi na huwag na kong pumunta. Pero matigas ang ulo ko at malakas ang tawag ni Ate Guy. Dali-dali akong naligo at nagbihis. Halos liparin ng sasakyan ko ang malayong daan papunta sa airport habang sige rin ang dasal na huwag akong ma-piktyuran ng speed camera at sana po Lord, maabutan ko pa si Ate Guy. Hindi ko kabisado ang bagong parking arrangement sa airport. Bahala na kako kung saan may pwesto, doon ko na lang ihihinto ang kotse ko. Mabait si Lord, itinuro nya ang daan sa pinakamalapit na parking spot. Eksakto, halos katapat ng terminal ang parking ko.

SYDNEY Airport.. Mabilis akong lumakad papasok sana sa terminal pero bigla rin akong napahinto. May maliit na umpukan ng mga Pilipino na nag-uusap sa labas ng terminal. Pamilyar ang pigura ng isang maliit na babae na nasa tabi ko. Itim na leather jacket at boots ang suot nya. Sa isip-isip ko, si Ate Guy na yata ito. Hala! Diyos ko! At sya na nga! Wala akong nasabi kundi "Ate Guy?" Niyakap ko sya pero saglit lang kasi nahiya ako. Hindi naman nya ko kilala pero siyempre mukhang Pinoy ako kaya sabi nya "manood ka ng show ha?". Ang isang babae na kasama na producer nya pala ay binigyan ako ng flyers. Sinabihan din ako na manood. "Opo naman", sabi ko. Tapos tinanong nya "Ano na nga ang pangalan mo?". "Ellen po", ang maikli kong sagot. Pagkarinig ni Ate Guy, biglang sabi nya "Walanghiya ka!" sabay hablot sa likod ko, may kasamang yakap na sobrang higpit halos di ako makahinga. Nagulat ako at parang natulala. Sa natatandaan ko, hindi pa naman ako nasabihan ng ganun ng kahit sino. Sya pa lang yata pero kahit paulit-ulit nya pa sabihin, ok lang dahil kapalit naman ay mainit na yakap. Parang nanginig ang buong katawan ko. Wala na akong nasabi. Ewan kung ano na ang nangyari. Basta ang alam ko, habang nagmamaneho ako pauwi, kakaibang saya ng puso ang naramdaman ko. Maikling sandali ngunit habambuhay na magpapangiti.

August 21.. Tunay na mahalaga at makasaysayan para sa akin. It's my NA (Nora Aunor) day!

PS> Maraming salamat sa mga kaibigan kong Noranians na nagpakilala sa akin kay Ate Guy bago pa man kami magkaharap. Kayo ang naging daan para maabot ko ang pinakamimithing pangarap.