A Special
Day to Remember
It’s been two years since but I
will always remember the day like it was yesterday. There she was in flesh and
blood.. so human, so close and yet.. so unreal I could swear it was a dream.
Sweet memory.. it never fails, the heart opens with a smile..
a fondest wish.. a fervent prayer.. |
August 21 - My NA (Nora Aunor) Day
August 21.. NA (Ninoy Aquino)
Day.. makasaysayan at ginugunita ng sambayanan. Ito ang malungkot na araw ng
pagpaslang sa magiting na Senador Benigno Aquino Jr. sa airport na ngayon ay
ipinangalan na sa kanya. Mula't sapul ang kaganapan na yan ang aking
nari-recall kapag sumasapit ang araw na ito. Hanggang dumating ang nakaraang
dalawang taon, may isang pangyayari na dumagdag at nagpabago sa aking alalaa ng
dakilang araw.
August 21, 2010.. ang kaganapan
ng matagal ko ng pinangarap, ang makaharap ang nag-iisang Nora Aunor. At parang
sinadya, sa airport din ito naganap. Gabi pa lang ay hindi na ako mapakali.
Pupunta nga ba ako sa airport o hindi? Manonood naman ako ng show nya at
makikita ko rin naman sya. Doon na lang kaya? Hindi ko mawari kung ano ang
gagawin ko kung makaharap sya ng malapitan. Hindi ko maipaliwanag ang
nararamdaman. Halo-halong excitement, saya, lungkot, nerbyos at takot. Sa huli,
naisip ko na kung hindi ngayon eh kailan pa? Ngayon pa ba ako mag-iinarte?
Malamang na hindi na mauulit ang pagkakataong ito. Dahil yata sa kakaisip kaya
na-late ako ng gising kinabukasan. 7:45 ng umaga ang dating nila, 7:45 ng umaga
din ako nagising! Ano ba yan? Si Lord na yata ang nagsasabi na huwag na kong
pumunta. Pero matigas ang ulo ko at malakas ang tawag ni Ate Guy. Dali-dali
akong naligo at nagbihis. Halos liparin ng sasakyan ko ang malayong daan
papunta sa airport habang sige rin ang dasal na huwag akong ma-piktyuran ng
speed camera at sana po Lord, maabutan ko pa si Ate Guy. Hindi ko kabisado ang
bagong parking arrangement sa airport. Bahala na kako kung saan may pwesto,
doon ko na lang ihihinto ang kotse ko. Mabait si Lord, itinuro nya ang daan sa
pinakamalapit na parking spot. Eksakto, halos katapat ng terminal ang parking
ko.
SYDNEY Airport.. Mabilis akong
lumakad papasok sana sa terminal pero bigla rin akong napahinto. May maliit na
umpukan ng mga Pilipino na nag-uusap sa labas ng terminal. Pamilyar ang pigura
ng isang maliit na babae na nasa tabi ko. Itim na leather jacket at boots ang
suot nya. Sa isip-isip ko, si Ate Guy na yata ito. Hala! Diyos ko! At sya na
nga! Wala akong nasabi kundi "Ate Guy?" Niyakap ko sya pero saglit
lang kasi nahiya ako. Hindi naman nya ko kilala pero siyempre mukhang Pinoy ako
kaya sabi nya "manood ka ng show ha?". Ang isang babae na kasama na
producer nya pala ay binigyan ako ng flyers. Sinabihan din ako na manood.
"Opo naman", sabi ko. Tapos tinanong nya "Ano na nga ang pangalan
mo?". "Ellen po", ang maikli kong sagot. Pagkarinig ni Ate Guy,
biglang sabi nya "Walanghiya ka!" sabay hablot sa likod ko, may
kasamang yakap na sobrang higpit halos di ako makahinga. Nagulat ako at parang
natulala. Sa natatandaan ko, hindi pa naman ako nasabihan ng ganun ng kahit
sino. Sya pa lang yata pero kahit paulit-ulit nya pa sabihin, ok lang dahil
kapalit naman ay mainit na yakap. Parang nanginig ang buong katawan ko. Wala na
akong nasabi. Ewan kung ano na ang nangyari. Basta ang alam ko, habang
nagmamaneho ako pauwi, kakaibang saya ng puso ang naramdaman ko. Maikling
sandali ngunit habambuhay na magpapangiti.
August 21.. Tunay na mahalaga at
makasaysayan para sa akin. It's my NA (Nora Aunor) day!
PS> Maraming salamat sa mga
kaibigan kong Noranians na nagpakilala sa akin kay Ate Guy bago pa man kami
magkaharap. Kayo ang naging daan para maabot ko ang pinakamimithing pangarap.