Friday, January 27, 2012

Si Amapola at si Nora


Natapos ko nang basahin ang 65 kabanata ni Amapola - second novel ni Sir Ricky Lee. Ilang umaga ng impit na halakhak at ngiti habang naglalakbay sa tren na animo'y sumasabay sa paglipad ni Amapola. Samut-samut na kuwento ng pag-ibig sa ina, anak, kasintahan, kaibigan, kabayan at sa bayan. Nariyan ang nakakatuwang pagmumulat sa malungkot na kalagayan ng Pilipinas. Totoo nga "napaka-imaginative ng Pilipino at di nauubusan ng mga bagong paraan ng pagdurusa".
Hati-hating pananaw ng isang tao at ng isang bayan. Si Amapola na manananggal ay nahahati ang katawan at may tatlong alter na pagkatao. Sya raw ang tagapag-ligtas. May kakayahan nga bang magbuo ang isang hati na? Pero ang sabi ni Sir Ricky "ang pagkabuo ay nagsisimula sa pagkahati".
Nakakaaliw ang nobelang ito. Hindi masyadong ramdam ang hinagpis ng mga nangyayari sa bansa kapag binabasa pero may kirot na parang kagat ng langgam.

Dahil sa ako ay isang Noranian, mas lalo ko pang na-enjoy ang libro. Maraming pahina ng Ka-Norahan.. si Ate Guy at ang mga Noranians. Bakit nga ba isang pulis na Noranian ang napili para maghatid ng balita tungkol sa tagapagligtas ng Pilipinas? Parang si Elsa sa Himala. Parang si Elsa si Amapola. Parang si Amapola si Nora.

Nang simulan kong basahin ang libro, naisip kong lagyan ng palatandaan ang mga pahina na may ulat ng Ka-Norahan para mas madali kong mahanap at mabasa ulit. Hindi ko namalayan, naging animo piyesta ang libro pagdating sa huling tuldok. Halos naubos ang iba't ibang kulay ng banderitas na palatandaan. Hindi lang pahina ang kuwentong-Nora, may mga kabanata rin na para kay Nora. Mababasa ang mga achievements at katangian ni Nora, pati na rin ang sa mga Noranians. Narito ang ilan.

Mga kabanata ukol kay Nora:
  1. Kabanata 6 - Nagpakilala si Emil (ang pulis na Noranian)
  2. Kabanata 52 - Katumbas ng Paghanga
  3. Kabanata 53 - Iba't ibang NORA
  4. Kabanata 64 - Si Guy
Mga katangian ni Nora:
  1. Iba si Nora, sya ang nag-iisang Superstar
  2. Magaganda at malalalim ang mga mata
  3. Napakaganda ng boses
  4. maraming blogs tungkol sa kanya
Mga katangian ng Noranian:
  1. Parang isang bansa, may sariling lenguwahe
  2. Wala ng ibang pinag-aaksayahan ng oras kundi si Nora (Keber! basta masaya)
  3. Gusto ng klasiko, 'yung subok na, 'yung matibay (siempre, saan ka pa?)
  4. Hindi ipagpapalit si Nora kahit pa sa lovelife o sex life (he-he Ewan ko lang)
  5. Naniniwala na si Nora ang tagapagligtas ng Pilipinas (masyado namang ambisyoso. Tutulong na lang siguro sa taga-pagligtas kaso mga palpak din pala ang mga unang natulungan)
  6. Umover sa kapapanood ng old films ni Nora (excuse me! luma nga pero may katuturan naman)
  7. Parang gustong magpakamatay kapag nalapastangan ang mga Nora memorabilia (Yan naman ang over, takot lang po ma-Ondoy)
  8. sanay sa pagkalkal ng mga nakatagong data (high-tech na rin po kami)
Malaking tulong ang mga pahina ng Kanorahan sa pagpapalaganap ng kamalayan tungkol sa isang Nora Aunor at sa mga Noranians. Maraming salamat Sir Ricky. Salamat din sa kontribusyon ng ating mga kaibigang Noranian - Nestor de Guzman, Deogracias Antazo at Marites de Vera. Yan ang Noranian, hangad at aktibo sila na ipakilala at ipaalala ang isang Nora Aunor sa batang henerasyon at sa mga nakakalimot. Patunay ang librong ito, hindi nalalaos ang isang ICON.

No comments:

Post a Comment